-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Inalmahan ni Jose Maria Bonifacio Escoda ang pamangkin ng bayaning si Josefa Llanes Escoda ang pagpalit sa disenyo ng Philippine banknote.

Kamakailan ay inanunsyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP na babaguhin na ang disenyo ng P1,000 banknote at tatanggalin na ang mga mukha ng mga bayani ng World War II na sina Josefa Llanes Escoda, Vicente Lim at Jose Abad Santos kung saan papalitan ito ng larawan ng Philippine Eagle.

Pagbibigay diin ni Escoda sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi makatarungan na palitan ng isang hayop ang larawan ng mga bayani na nanindigan at nakipaglaban para sa karapatan at kalayaan ng bansa.

Indikasyon rin aniya ito na parang binubura na ang mga mahahalagang historical figures na kumakatawan sa tinatamasang kalayaan ng mga Pilipino.

Lalo pang sumisimbolo ito ng pagpapaala na may mga taong handang ibuwis ang buhay para sa kapwa.

Hindi naman aniya aalma si Escoda sa pagbago ng disenyo ng Philippine banknotes, kung mga bayani rin ang ipinalit tulad nila Jose Rizal, Andres Bonifacio at iba pa.

Sinabi pa nito na pagtanggal sa mga bayani sa pera ay nangangahulugang binubura na ang mga ito sa ating kaisipan at sa bagong henerasyon.