-- Advertisements --

Dismayado ang Philippine Olympic Committee (POC) dahil sa pag-itsapuwera ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) kay EJ Obiena na isama sa mga atletang sasabak sa 31st Southeast Asian Games na gaganapin sa Vietnam sa darating na buwan Mayo.

Hindi naitago ni POC President Abraham “Bambol” Tolentino ang kanyang pagbatikos sa umano’y maling desisyon ng Patafa na hindi isinama si Obiena.

Ayon sa opisyal, kung walang injury si Obiena ay tiyak na raw na masusungkit nito ang gold medal kahit lagyan pa ng piring ang mata.

Binigyang diin pa ng POC chief, labis ang kanyang panghihiyang kung hindi isasama sa mga atleta ng bansa si Obiena dahil ito ang pinaka-the best sa SEA Games at maging sa buong Asya.

Si Obiena na lalahok din sa World Indoor Championships sa Belgrade sa March 18-20, ay itinuturing din na No. 5 sa buong mundo sa pole vault.

Siya rin ang tanging Asian na nag-qualify sa Tokyo Olympics noong nakaraang taon.