Binalaan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang China laban sa pwersahang pagtanggal sa BRP Sierra Madre, ang barkong isinadsad ng Pilipinas sa Ayungin Shoal na nagsisilbing military outpost sa West Philippine Sea.
Ayon kay Teodoro, kung gagawin ito ng China, ay ituturing na itong isang ‘act of war’ at tiyak na magpapakita ang Pilipinas ng mabigat na pagtugon, kasama na ang potensyal na pagsuporta ng US.
Ayon kay Teodoro, ang naturang barko ay nagsisilbing outpost ng Philippine Sovereignty at hindi lamang isang kinakalawang na lumang barko. Ito aniya ay isang piraso ng Philippine Territory.
Una na ring tiniyak ni Philippine Navy spokesperson for WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na mayroong nakahandang contingency ang Pilipinas kung sakaling ipilit ng China na tanggalin ang BRP Sierra Madre, gamit ang maraming mga pwersa, military, at naval asset nito.
Ang Ayungin Shoal kung saan nakasadsad ang BRP Sierra Madre, ay may layong 200 kilometer mula sa probinsya ng Palawan habang ito ay 1,000 km mula sa pinakamalapit na landmass ng China – Hainan island.