LEGAZPI CITY – Isinusulong ngayon ng Department of Energy (DOE) ang pagtanggal na ng restrictions na naglilimita sa bilang ng pasahero sa mga pampublikong sasakyan upang mabawasan na ang kalbaryong pinagdadaanan ng mga tsuper dahil sa sunod-sunod na pagmahal ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rino Abad, director ng Oil Industry Management Bureau ng DOE, nakikipag-usap na ang ahensya sa Inter-Agency Task Force para sa mungkahing gawing 70% hanggang 100% ang maximum capacity sa mga sasakyan mula sa kasalukuyang 50%.
Kung aalisin umano ang restrictions sa bilang ng mga maaring sumakay na pasahero, kahit papaano ay makakabawi na ang mga tsuper sa kanilang pasada.
Samantala sa hiwalay na panayam, kinumpirma ni Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng energy committee, na isinusulong na rin ngayon sa Senado ang pagbabalik sa Pantawid Pasada Program (PPP) na pangtulong rin sa mga tsuper.
Sa naturang programa, bibigyan ng card na may lamang tig-P5,000 hanggang P20,000 ang mga drayber na kanilang gagamitin sa pagpapakarga ng gasolina.