BAGUIO CITY – Tatanggap pa rin ang Baguio ng mga turista bagaman mababawasan na ang daily limit ng mga turistang papayagang makapasyal dito sa lungsod.
Paglilinaw ito ng lokal na pamahalaan ukol sa inilabas na guidelines ng leisure travel dito sa lungsod, kamakalawa.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, tatanggapin pa rin ng Baguio ang mga turista na may pre-approved schedule ng leisure travels na nabigyan na ng QR-coded Tourist Pass o QTP at may mga hotel bookings bago pa ang January 2 suspension.
Aniya, ang mga bagong travel requests lamang ang temporaryong sinuspindi bilang paghahanda sa unti-unting pagbabawas ng mga bagong tourist registrations sa Thursday, January 6.
Aniya, gagawing 4,000 ang daily limit ng mga tatanggaping tourist application habang gagawing 70% ang papayagang guest occupancy sa mga accommodation establishments sa lungsod.
Paliwanag ng alkalde, ang nasabing hakbang bahagi ng kampanya ng lungsod para mabasawan ang panganib ng transmission o pagkalat ng COVID-19 dahil sa interzonal at intrazonal travels matapos maitaas ang alert levels sa ibang mga lugar ng bansa.
Iginiit niya na tuloy ang pagtanggap ng Baguio sa mga may pre-approved schedule ng leisure travels para hindi maging unfair sa mga travelers na naghanda na para sa kanilang pagbiahe at sa mga accommodation establishments na nakahanda ng tumanggap sa mga ito.
Aktibo aniyang pinagpapantay ng city government ang mga proactive plans sa lahat ng mga apektadong sektor nang sa gayon ay maipagpapatuloy pa rin ang mga pagbiahe sa ilalim ng ligtas na environment na may kakaunting panganib.
Pinag-aaralan din ng lokal na pamahalaan ang pag-require sa mga turista na may pre-approved schedule ng negative result ng RT-PCR test o antigen test results, lalo na sa mga manggagaling ng National Capital Region, bagaman, ngayong araw nakatakdang ilabas ng LGU ang bagong executive order sa quarantine protocols ng Baguio kasama na ang leisure travel guidelines.
Gayunman, ipinahayag ng Baguio ang kahandaan nito sa banta ng Omicron variant.
Sa kabila nito, negatibo ang pagtanggap ng mga residente ng lungsod sa nasabing guidelines, kung saan marami sa mga ito ang nagpahayag ng kanilang hindi pagpabor sa dami ng mga turista sa lungsod.