CEBU CITY – Temporaryong suspendido ang pagtanggap ng mga locally stranded individuals(LSIs) sa Siquijor simula ngayong araw, Agosto 5.
Sa isang statement na inilabas ni Siquijor Governor Zaldy Villa, inihayag nito puno na ang Provincial Holding Facility dahil sa dami ng naka-hold na LSIs habang hinihintay pa ang negatibong swab test ng mga ito.
Pagkatapos mailabas ang negatibong resulta sa test, saka na sila magpapatuloy sa mandatory 14-days quarantine sa kani-kanilang quarantine facility sa lalawigan.
Samantala, ipinaliwanag ng Task Force na hindi kabilang sa travel suspension ang mga LSIs mula sa Cebu dahil matagal na silang naka-hold sa lungsod ng Cebu.
Siniguro naman ng Task Force na bago ang mga ito makauwi sa isla, negatibo ang resulta ng kanilang swab test para na rin sa kapakanan at kaligtasan ng lahat ng Siquijodnon.
Sa kasalukuyan, dalawa na ang naitalang kaso sa Siquijor kung saan ang mga LSIs umano mula Maynila ang mga nagpositibo.