BAGUIO CITY – Iginiit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Cordillera na para lamang sa mga mahihirap na Senior Citizens ang Social Pension Program ng ahensiya.
Nagpaliwanag ang ahensiya kasunod ng maraming reklamong kanilang natatanggap dahil sa umano’y pagbibigay ng pension sa mga hindi karapat-dapat na senior citizens.
Ayon sa DSWD-Cordillera, sa ilalim ng programa ay makakatanggap ng P500 na stipend bawat buwan ang mga Senior Citizens.
Bahagi ito ng implementasyon ng RA 9994 o Expanded Senior Citizen Act of 2010 na nagbibigay ng benepisyo sa mga mahihirap na Pilipinong Senior Citizens.
Sa Cordillera ay 85,000 na indigent na Senior Citizens ang puntirya ng DSWD na maging benepisaryo ng programa.
Kasunod ng pagsasagawa ng ahensiya ng validation ay aabot na sa mahigit 73,000 senior citizen ang naging kwalipikado sa programa.