Binigyang-diin ng Malacañang na walang nilalabag na batas si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtanggap at paggamit nito ng intelligence information mula sa ibang bansa kaugnay sa mga umano’y nagpaplanong patalsikin siya sa puwesto.
Ginawa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang paninindigan kasunod ng banat ni Vice President Leni Robredo na labag sa Konstitusyon ang umano’y pag-espiya ng ibang bansa sa mga Pilipino.
Nabatid na naglabas ang Malacañang kamakailan lang ng ouster plot matrix na naglalaman ng mga pangalan ng mga miyembro ng media at mga abogado na umano’y nais pabagsakin ang administrasyon.
Sinabi ni Sec. Panelo, malaya naman ang bise presidente sa pagsabi ng kanyang opinyon laban kay Pangulong Duterte pero nanindigan itong hindi iligal ang palitan ng impormasyon sa pagitan ng mga bansa.
Ayon kay Sec. Panelo, hindi rin ito maituturing na treason o kataksilan sa Pilipinas.
Samantala, ayaw naman mangialam ang Malacañang sa internal conflict sa loob ng Manila Times kasunod ng pagbibitiw sa puwesto ng managing editor na si Felipe Salvosa matapos ilabas ang istorya ng matrix na sinulat mismo ng kanilang publisher na si Dante Ang.