Mariing pinabulaanan ng Philippine Coast Guard ang mga alegasyong tumanggap umano ng suhol ang kanilang mga tauhan mula sa kapitan ng tumaob na motorbanca sa Binangonan, Rizal.
Sa isang pahayag ay binigyang-diin ni PCG spokesperson, RAdm. Armand Balilo na walang katotohanan ang mga sinabi ng kapitan ng motorbanca na si Donald Anain sa naging pagdinig ng Senado hinggil sa nasabing insidente.
Sa naturang pagdinig ay ibinunyag kasi ni Anain na nagbibigay daw siya ng “padulas” sa mga tauhan ng PCG na nakabantay upang mapahintulutan silang makapaglayag.
Giit ni Balilo, hindi kapani-paniwala ang nasabing mga alegasyon sa kadahilanang mismong si Anain na ang nagsabing hindi niya binibigyan ng alak ang mga tauhan ng PCG.
Bukod dito ay nanindigan din aniya ang kanilang mga tauhan na wala silang tinatanggap na anuman mula sa kapitan ng nasabing bangka.
Matatandaang, una nang inamin ng kapitan ng tumaob na bangka na binibigyan niya ang nakabantay na officer sa substation ng P100 na halaga ng saging o hindi kaya 50 na cash upang payagan silang makabiyahe kahit na hindi lisensyado ang kapitan.