-- Advertisements --

Pinal na ang desisyon ng Timor Leste na tanggihan ang extradition request ng Pilipinas para sa dating kongresista na si Arnulfo Teves Jr, ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, ang nagsisilbing legal counsel ng tinanggal na mambabatas.

Ayon kay Topacio, ibinahagi sa kaniya ng kaniyang mga counterpart sa Timor Leste na ang desisyon ng appellate court sa naturang bansa ay ibinase sa constitutional ground, daan upang maging pinal ang inilabas na desisyon.

Paliwanag ng batikang abogado, nagawa nilang patunayan na ang posibleng pagpayag para sa extradition ng dating mambabatas o tuluyang pagpapauwi sa kaniya sa Pilipinas ay maaaring magresulta sa kaniyang pagkaka-torture, hindi makataong punishment, at harassment.

Nagawa din aniya nilang patunayan na ang pagpapabalik sa kaniya dito sa bansa ay posibleng maging banta sa kaniyang buhay at kaligtasan.

Ang mga ito, ayon kay Topacio, ay pawang paglabag sa saligang batas ng Timor Leste.

Habang ginagarantiyahan ng naturang bansa na maprotektahan ang sinumang nasa hurisdiksyon nito laban sa mga naturang paglabag; hindi rin pinapayagan ng konstitusyon nito ang extradition sa isang indibidwal na posibleng maharap sa ganitong kondisyon.

Ayon kay Atty. Topacio, nagawa rin nilang i-presenta sa lokal na korte ng Timor Leste ang kasalukuyang political atmosphere dito sa Pilipinas na maaaring maging dahilan din para sa hindi makatwirang pag-uusig sa tinanggal na kongresista.

Naipresenta umano ng mga ito ang ilang testimoniya na nagpatibay sa kanilang kahilingan sa local court na huwag payagan ang extradition kay Teves pabalik sa Pilipinas.