-- Advertisements --

Naniniwala si dating chief presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo na ang pagtanggi ng Office of the Solicitor General (OSG) na idepensa ang mga opisyal ng gobyerno kaugnay sa inihaing habeas corpus petitions sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay pag-amin na walang hurisdiksiyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.

Ginawa ni Atty. Panelo ang pahayag kasunod ng paghahain ng manifestation of recusal ni SolGen Menardo Guevarra sa Korte Suprema nitong Lunes kung saan tumanggi itong kumatawan sa mga opisyal ng gobyerno laban sa mga inihaing petisyon ng kampo ng dating Pangulo dahil posibleng hindi umano nito epektibong mairepresenta ang mga respondent dahil nanindigan itong walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas.

Sinabi din ni Atty. Panelo na ang naging hakbang ng SolGen ay pag-amin ng abogado ng gobyerno na iligal at unconstitutional ang pag-aresto, pagdetine at pag-kidnap sa dating Pangulo.

Ipinunto pa ni Atty. Panelo na ang ginawa ng gobyerno na pagpapatupad ng warrant of arrest mula sa isang institusyon na walang hurisdiksiyon sa bansa ay maituturing na iligal.

Kayat kung sakali aniya na ipagtatanggol ng SolGen ang ilegal na gawain ng mga opisyales ng gobyerno ay makakagawa din ito ng iligal na aksiyon.

Kayat tama lang aniya ang paninindigan ng SolGen sa posisyon nito na walang hurisdiksiyon ang ICC sa bansa.

Matatandaan na si Atty. Panelo ang naghain sa Korte Suprema ng petition for habeas corpus ni Davao City Mayor Sebastian Duterte laban sa mga opisyal ng gobyerno dahil sa anila’y pagdetine, pag-kidnap at pagsuko sa dating Pangulo sa foreign institution.

Hiniling sa naturang petisyon na ibalik sa bansa ang dating Pangulo at sagutin ng gobyerno ang mga paglabag nito sa konstitusyon pagdating sa mga karapatan ni FPRRD, at ang hindi makabayan at kasuklam-suklam nitong pagsuko ng soberanya ng bansa sa ICC, na wala ng hurisdiksyon sa PH.