Binatikos ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang naging hakbang ni Solicitor General Menardo Guevarra na tumangging kumatawan sa gobiyerno ng Pilipinas sa pagsagot sa ilang petisyon sa Korte Suprema.
Hindi rin pinalagpas ng dating mahistrado ang pahayag ng SolGen na ang ginawang ‘recusal’ ay hindi personal na desisyon kungdi institutional.
Ayon kay Carpio, humahawak si SolGen. Guevarra ng isang mataas at malaking posisyon at mayroon siyang mga assistant at deputy na tutulong o hahalili sa kaniya kung nanaisin man niya.
Kung mayroon man aniyang ‘conflict of interest’ si Guevarra, maaari sanang personal na lamang siyang nag-inhibit at hindi ang buong Office of the Solicitor General (OSG) upang magawa ng iba pang opisyal sa OSG na irepresenta ang gobiyerno ng Pilipinas, basta’t magbigay lamang siya ng pahintulot.
Sa ginawang pag-inhibit ng buong institusyon, tinanggalan aniya ng OSG ang gobiyerno ng Pilipinas, lalo na ang pangulo ng bansa, ng legal representation.
Giit ng dating mahistrado, iisa lamang ang kliyente ng OSG at ito ay ang gobiyerno ng Pilipinas, at pangunahing duty nito ang depensahan at irepresenta ang gobiyerno.
Paliwanag pa ni Carpio, bagaman maaari ring hingin ng gobiyerno ng Pilipinas ang tulong ng ibang ahensiya upang depensahan ito, mas mabuti pa rin sanang personal na nag-inhibit si SolGen Guevarra upang nagampanan ng OSG ang tungkulin nito.
Binigyang-diin pa ni Carpio na anuman ang personal na paninindigan ni Guevarra ay hindi magsisilbing paninindigan o tindig ng institusyon na kaniyang pinagsisilbihan o pinamumunuan.
Kung hindi rin aniya pumapabor ang SolGen sa posisyon ng pangulo ng Pilipinas sa naturang isyu, mas nakabubuting personal siyang mag-inhibit o mag-resign sa kaniyang posisyon.