DAGUPAN CITY — “Hindi makatarungan, magiging isang malaking kapabayaan, at pagtataksil.”
Ganito isinalarawan ni Arman Hernando, Chairperson ng grupong Migrante Philippines ang naging pahayag ni Senator Raffy Tulfo na pagtanggi sa mga Overseas Filipino Workers na nasasangkot sa mga kasong may kaugnayan sa droga.
Sa kanyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Hernando na nais nilang makaharap sa isang pagpupulong ang Senador sapagkat bilang Chairperson ng Committee on Migrant Workers’ Affairs sa Senado, mahalaga dapat na alam, dama, at nakikialam dapat ito sa mga OFW o mga organisasyon ng mga OFW upang maging epektibo at katanggap-tanggap ang mga ipinapasa nitong panukalang batas.
Saad ni Hernando na napakahalaga ng papel na ginagampanan ng Senador hindi lamang sa pagbibigay ng mga opinyon, o mga binubuong mga panukalang batas para sa kapakanan at pagpapabuti ng kalagayan ng mga OFW.
Dagdag pa nito na kung may mali man sa sasabihin o mga kilos ng Senador kaugnay ng sitwasyon gn mga OFW, ay buhay at kapakanan naman ng mga migranteng Pilipino ang nakataya.
Maliban pa dito ay idiniin din ni Hernando ang kanilang pagnanais na maipakita na ang kalagayan ng mga ngakakulong na OFWs, kahit ang mag ito pa ay nasasangkot sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga, ay hindi maganda at marami ang talagang nangaingailangan ng legal assistance.
Aniya na kahit pa galit ang Senador sa droga at ayaw nito na maging laganap ang mga drug syndicate sa bansa, ay mali pa rin na ipagkait ang legal assistance sa mga OFW na nasasangkot sa mga drug trafficking cases sapagkat karamihan at madalas sa mga ito ay biktima lamang ng mga mas malalaki pang sindikato ng droga.