-- Advertisements --

ROXAS CITY – Umaapela ang bise gobernador ng lalawigan ng Capiz at president ng Grains Retailers Confederation of the Philippines (GRECON) sa mga kunsumidores na tangkilikin ang locally produced rice ng mga magsasaka.

Ginawa ni Vice Governor James Mitang Magbanua ang pahayag dahil sa nakitang epekto ng pagpapatupad ng Rice Tariffication Law sa mga magsasaka.

Ayon sa opisyal natuklasan nito na kahit mahal ang imported rice sa merkado ay ito ang binibili ng mga kunsumidores dahil sa kalidad nito.

Nanindigan si Magbanua na walang magandang naidulot ang implementasyon ng nasabing batas dahil maliban sa krisis na dala nito sa mga magsasaka ay tinanggal din ang ilang function ng National Food Authority (NFA) kabilang na ang pag-regulate sa presyo ng bigas sa merkado.

Ngayon ay nasentro ang tungkulin ng ahensiya sa pagbili ng mga palay ng local farmers na gagawing stock ng pamahalaan na siyang gagamitin sa mga relief assistance sa tuwing magkakaroon ng kalamidad.

Naniniwala rin si Magbanua na dapat bago ipinatupad ang RTL ay isinailalim sana sa trainings ang mga magsasaka para maging competitive sila at hindi magdepende sa ibang rice importing countries katulad ng Vietnam, Thailand at Myanmar.

Nanindigan din ang opisyal na hindi pa handa ang mga local farmers para maka-compete sa ibang mga bansa kaya sa halip na makatulong ang nasabing batas ay nakapasama pa ito sa mga magsasaka.