-- Advertisements --

Lubos na ikinadismaya ni Senadora Pia Cayetano ang malaking pagtapyas sa panukalang pondo ng Department of Health at Department of Education para sa 2025. 

Bumaba ng P25.80 billion ang pondo ng DOH samantala P11.57 billion naman sa Deped. 

Giit ni Cayetano, dahil sa ginawang pagbawas sa pondo sa sektor ng edukasyon at kalusugan lumalabas na hindi prayoridad ang mga ito na dalawa sa pinakamabigat na isyu ng pamilyang Pilipino. 

Direktang tinamaan aniya ng pagtapyas ang milyun-milyong Pilipino na nahihirapan nang panatilihin ang kanilang pamilya na maging malusog, at maipadala ang kanilang mga anak sa paaralan. 

Dagdag ng senadora, dapat na iprayoridad ng gobyerno ang edukasyon at kalusugan kung nais na bumuo ng isang malakas at maayos na kinabukasan sa lahat.