-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Ibinalik ng Aklan Provincial Board sa Sangguniang Bayan ng Malay upang muling mapag-aralan ang panukalang ordinansa kaugnay sa balaking taasan ang environmental fee ng mga turista na bibisita sa Boracay.

Ang kasalukuyang P75 environmental fee ay posibleng tumaas ng P300 para sa foreign tourist, P150 sa domestic tourist at kahit ang mga Aklanon na hindi residente ng bayan ng Malay, Aklan ay magbabayad na ng P50.

Ayon kay Sangguniang Bayan member Maylynn Aguirre-Graf, may akda ng Municipal Ordinance No. 414 series of 2020 na layunin nito na magastusan ang bayarin sa pagkolekta ng basura at pangangalaga sa kalikasan ng isla.

Maliban sa environmental fee, may P100 pang babayarang terminal fee ang mga foreign at domestic tourists.

Nabatid na noong nakaraang taon lamang ipinatupad ng LGU-Malay ang P75 na singil sa environmental fee mula sa P50, kung saan, sinuportahan ito ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang mapanatili ang rehabilitasyong isinasagawa sa isla.

Ang Boracay ay isinailalim sa anim na buwang rehabilitasyon simula Abril hanggang Oktubre 2018.

Nasa P14.258-million ang utang ng LGU Malay para sa tipping fees at P92.041 sa hauling services noong 2019 sa ECOS Sanitary Landfill and Waste Management Corporation, ang naka-kontratang kompaniyang naghahakot ng basura sa Boracay.