VIGAN CITY – Ipinaliwag ng isa sa mga author ng House Bill 6095 o ang pagtaas ng halaga na pwedeng gastusin ng mga tatakbong public officials sa iba’t ibang posisyon na mas makatotohanan na ngayon ang gastusin ng mga politiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Deputy Speaker- Ilocos Sur 1st District Rep. Deogracias Victor Savellano, napapanahon umano ang kanilang pagaproba sa naturang batas at mas makatotohanan na ang pwedeng gastusin ng mga tatakbong opisyal sa eleksyon lokal man o national.
Aniya, matagal na umano ang nakasaad sa nasabing batas na kung saan ay P3 lamang kada botante ang pwedeng gastusin ng mga tatakbong politiko sa lokal na eleksyon at P10 naman sa national position na hindi naman nasusunod.
Idinagdag pa nito na hindi na mahihirapan ang mga kandidato na magpaliwag sa Commission on Elections kung magkano ang kanilang nagastos at bakit malaki ang kanilang nagastos na pera sa eleksyon.