-- Advertisements --

ILOILO CITY – Itinuturing bilang malaking tulong sa mga estudyante lalo na sa kolehiyo ang pinapanukala ni Senador Jinggoy Estrada na Senate Bill 1508 na magkaroon ng mental health offices sa mga campus ng lahat ng state universities at colleges.

Ito ay kasunod na rin ng pagtaas ng kaso ng mental health issues sa mga mag-aaral na Pilipino na ayon sa senador ay hindi na dapat ipagwalang bahala.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Joselito Villaruz, President ng West Visayas State University, sinabi nito na malaking tulong sakaling mapasa ang panukalang batas kung saan magkaroon na ng mga mental health offices at hotline sa lahat ng kanilang campus na pangangasiwaan ng mga guidance counselor na may kasanayan sa pagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga mag-aaral, guro, at kawani nito.

Napag-alaman na ang West Visayas State University na may anim na external campuses ay isa sa mga unibersidad sa Pilipinas na accredited ng University Mobility in Asia and the Pacific at isa sa mga ‘most prominent institutions’ sa bansa na larangan ng Teacher Education, Nursing at Medisina.

Ayon kay Villaruz na isa ring medical doctor, kapag napasa na ang panukalang batas, magtatalaga sila ng mga eksperto sa mental health para pangasiwaan ang mga mental health offices.

Tiniyak rin nito na sasailalim din sa continuing training na may pagsasaalang-alang sa mga pinakabagong impormasyon, pag-aaral, at kaalaman sa mental health at mga mental health services ang mga kawani ng mental health offices.

Napag-alaman na minamandato pa ng panukala na palakasin ang kampanya sa kamalayan ukol sa mental health lalo na sa aspeto ng suicide prevention, stress handling, nutrisyon, paggabay, at pagpapayo.