KALIBO, Aklan— Naniniwala si House Committee on Economic Affairs Vice Chairperson at Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco Jr. na kailangan ng lalawigan ang mga investors o negosyante na gumagalaw, nagbibigay ng pera, may ideya, passion at commitment na mapalakas at mapaunlad ang ekonomiya ng Aklan.
Ito ang isa sa mga layunin ng kongresista sa isinusulong na panukalang House Bill 7032 o pagtatag ng West Aklan Special Economic Zone Authority o WASEZA.
Umaasa ang opisyal na maapruban ng House Ways and Means committee ang panukalang batas bago uusad sa committee on approriations ngunit mahaba-habang proseso pa aniya ang pagdadaanan nito.
Sakaling matuloy, magbibigay ito ng maraming trabaho lalo na sa bayan ng Tangalan, Ibajay, Malay at isla ng Boracay dahil ang mga nasabing munisipalidad ang sakop ng WASEZA.
Tinatayang nasa P6 bilyon ang mawawalang pera sa national government sakaling maitatag ang WASEZA dahil posibleng ang nasabing halaga ang ipopondo sa tanggapan.
Samantala, positibo naman ang naging komento ng tatlong alkalde hinggil sa naturang panukalang batas dahil matutukan nito ang ekonomiya na lubusang makabenepisyo ang kanilang bayan.
Nararapat aniya itong suportahan kung para sa ikabubuti ng lahat lalo na’t hangad ng karamihan na mapaunlad ang ekonomiya ng lalawigan na nalugmok sa nagdaang pandemya.