Inaalam na rin ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang ulat hinggil sa pagtatago umano ng mga opisyal ng KAPA Community Ministry International Inc. sa lugar ng mga tribo sa Mindanao.
Ito ang kinumpirma ni SEC Commission Sec. Armando Pan sa Bombo Radyo na inaming kabilang ang ulat sa mga minomonitor ng tanggapan ngayon kasama ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police.
Bukod dito, nakatutok din daw ang SEC sa mga ulat na nagsasabing patuloy pa rin ang operasyon ng grupo sa kabila ng hakbang ng pamahalaan kontra rito.
Nitong Lunes nang sampahan ng NBI ng kasong syndicated estafa ang founder ng KAPA na si Pastor Joel Apolinario kasama ang 13 opisyal at empleyado nito.
Non-bailable ang kaso ayon kay Pan, na hiwalay din sa reklamong paglabag sa Securities Regulation Code na nakahain sa Department of Justice.
Ayon sa SEC official malaking development ang pagkakasampa ng panibagong kaso para mapanagot ang mga akusado.
Hinimok din nito ang mga miyembro na nais humabol sa pagrereklamo na huwag magatubiling lumapit sa kanilang tanggapan