Binawi ng Department of Agriculture (DA) ang nauna nitong pahaya na pagkokonsidera sa pagtatakda ng suggested retail price sa mga produktong bigas.
Sa isang statement, nilinaw ni Agriculture Sec. Francisco Laurel Jr., na hindi ito gagawin ng ahensya.
Sa halip, isa lamang aniya itong ideya batay na rin sa mga maaaring gawing remedyo salig sa Republic Act 7581 o Price Act.
Paliwanag pa ng kalihim na ang presyo ng bigas at iba pang agricultural products sa pandaigdigang merkado gaya ng Thailand at iba pang mga bansa ay pabago-bago bunsod ng epekto ng El Nino phenomenon kung kayat hindi aniya inirerekomenda ang pagkontrol sa mga presyo sa ngayon.
Maalala nitong weekend, sinabi ni tagapagsalita ng DA na si ASec. Arnel De Mesa na gumagawa na ng mga paraan ang ahensiya kaugnay sa posibleng pagtatakda ng SRP sa mga produktong bigas kabilang ang pakikipag konsulta sa mga industry player at stakeholders.
Ginawa ng DA ang naturang pahayag kasunod na rin ng ulat mula sa PSA na nakapagtala ng pinakamabilis na pagsipa ng rice inflation noong Disyembre 2023 na nasa 19.6%, ang itinuturing na pinakamataas sa nakalipas na 14 na taon.- EVERLY RICO