-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pinag-aaralan umano ng Department of Agriculture (DA) ang pagtatakda ng suggested retail price (SRP) sa galunggong sa kalagitnaan ng mahal na presyo nito sa palengke.

Sa kasalukuyan kasi, naglalaro ang galunggong sa P240 hanggang P260 kada kilo mula sa dating P160 hanggang P180 kada kilo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni DA Secretary William Dar na kapag hindi sila gumawa ng hakbang hinggil sa nasabing bagay ay maaaring magmahal pa ng hanggang apat na beses mula sa original price ang mga galunggong sa mga palengke.

Maliban pa rito, plano rin daw ni Dar na ipatigil o kanselahin muna ang pagdating ng libu-libong tonelada ng imported na galunggong mula sa China at Vietnam.

Ito’y dahil hanggang nitong nakaraang buwan lamang ang nakatakdang pag-angkat ng nasabing isda na nagsimula noong December 2019.

Kasabay nito, sinabi ng kalihim na pinag-aaralan din nila ang pagbibigay ng ibang livelihood source o mapagkakakitaan ng mga mangingisda upang hindi sila mahirapan.

Aniya, kailangan lamang na dumulog sila sa mga opisina ng DA sa kani-kanilang lugar upang matukoy kung ano ang kanilang kailangan na tulong.