Pinuri ngayon ng isang senador ang hakbang ng Philippine National Police (PNP) na ang mga babaeng pulis ang italaga bilang desk officers sa mga major precincts sa National Capital Region (NCR).
Naniniwala si Senator Grace Poe na ang desisyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na mag-assign ng babaeng pulis bilang desk officers na lalo pang lalakas ang loob ng mga complainants partikular ang mga kababaihan at mga bata na mag-report ng mga krimen at karahasan.
Ani Poe, ang hakbang ay isang “potential solution” sa mga underreporting at under-recording lalo na sa mga gender-based violence.
Dagdag ng senodora, ang mga kababaihan daw kasi ay compassionate at mas madaling lapitan pero matibay at determinado.
Una rito, sinabi ni NCRPO Director Maj. General Edgar Alan Okubo na magtatalaga ang mga ito ng mga babaeng desk officers.
Sinabi ng heneral na tatawagin ang mga itong “customer relations officers.”
Layon nga nitong maresolba ang underreporting at under-recording ng gender-based violence-related incidents.
Sa panig naman ni Senator Risa Hontiveros, hindi raw dapat limitahan ng NCRPO ang mga babaeng pulis sa desk work.
Puwede rin naman umano sila sa intelligence work.
Inihalimbawa nito ang isang kaso na ang isang babaeng pulis ang nakaaresto sa isang wanted pedophile.
Hinimok din niya ang PNP leadership na kumuha ng mas marami pang mga kababaihan para sa police force.