Itinuturing na “very good news” ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagkakatalaga kay Archbishop Charles John Brown bilang bagong apostolic nuncio sa Pilipinas.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Pontificio Colegio Filipino, ang appointment ng bagong nuncio ay “welcome relief” para sa mga mananampalatayang Katoliko ngayong humaharap ang bansa sa coronavirus crisis.
Umaasa naman si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na magiging mabunga ang ugnayan ng kaparian sa buong bansa kay Archbishop Brown.
“This is good news for us that we have a new nuncio; we are happy to welcome him and we pray that he will have a fruitful work here in the country,” wika ni Pabillo.
Papalitan ni Archbishop Brown si Archbishop Gabriele Caccia, na siya na ngayong Permanent Observer ng Vatican sa United Nations sa New York.
Mula nang magtapos ang tour of duty ni Archbishop Caccia noong December 2019 ay wala pang bagong naitatalaga ang Santo Papa na kanyang kapalit sa bansa.
Bilang papal envoy, siya ang kakatawan ng Holy See sa mahahalagang aktibidad sa Pilipinas kung saan siya ang tatayong dean ng diplomatic corps.
Mahalaga rin ang kanyang gagampanang papel sa pagpili ng mga obispo sa bansa.