-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN- Mukhang hindi pa napapanahon ang pagtatalaga ngayon ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng bagong pinuno ng Department of Agriculture.

Ayon kay Engr. Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG, marami pang dapat ayusin si pangulong Marcos dahil maraming problema sa agrikultura.

Naniniwala si So na tanging ang pangulo ang puwedeng mag ayos sa problema sa departamento.

Giit niya na kailangan pa rin si pangulong Marcos na mamumuno sa ahensya dahil bilang pangulo ay maaari siyang makiusap sa mga negosyante at pakikinggan ng mga local producers’ para mapababa ang presyo ng mga bilihing agricultural products.

Katunayan aniya ay hindi sumipa ng napakataas ang presyo ng ilang mga pangunahing bilihin dahil sa pakikipag usap umano ng pangulo.

Ginawa ni So ang pahayag kaugnay sa panawagan para sa pangulo na magtalaga na ng permanenteng pinuno sa Department of Agriculture.

Una rito, napaulat na mayroon nang ikino­konsidera si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na italagang kalihim ng Department of Agriculture (DA).

Ayon kay Executive Secretary Lucas­ Bersamin, pinag-aaralan na ng pangulo ang portfolio ng mga ikinukunsidera niyang italaga bilang agriculture secretary.