Malugod na tinanggap ng Department of Migrant Workers (DMW) ang naging desisyon ng International Bargaining Forum (IBF) sa pagtatalaga sa katimugang bahagi ng Red Sea at Bab El-Mandeb Strait patungong Gulf of Aden bilang High-Risk Area noong Disyembre 22.
Sinabi naman ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac na kanilang pinupuri ang mabilis na tugon na ito ng International Bargaining Forum sa mga banta sa kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong seafarers sa lugar.
Matatandaan na noong Nobyembre, tinarget ng hijacking attempt ang barkong lulan ang 2 Pilipinong seafarers sa Gulf of Aden subalit sa kabutihang palad ay hindi nagtamo ng galos ang mga ito.
Sumunod noong Disyembre 16 kung saan isang barko lulan ang 15 Pilipinong seafarer naman ang inatake ng Houthi rebels sa parehong lugar subalit lahat naman ng mga ito ay ligtas.
Tiniyak naman ni Cacdac sa mga Pilipinong seafarers at kanilang pamilya na committed ang ahensya para siguruhin ang kaligtasan ng mga ito at ipagpapatuloy ang walang kapagurang pagprotekta sa kanilang mga karapatan at kapakanan.