Ipinahayag ni Zamboanga Del Norte 3rd District Rep. Adrian Michael Amatong ang kanyang suporta sa pangako ni Sec. Sonny Angara na aayusin ang mga naiwang problema sa Department of Education (DepEd), na namana nito mula sa dating kalihim ng tanggapan na si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Amatong, ang mga isyung ito ay kinakailangang harapin ni Angara at umaasa na ang bagong pamunuan ay magkakaroon ng mas epektibong hakbang upang mapabuti ang estado ng edukasyon sa bansa.
Sa ginanap na pagdinig sa Kamara sa panukalang P793.18-bilyong badyet ng DepEd para sa 2025, ipinahayag ni Amatong ang kanyang pagkabahala sa kalagayan ng sistema ng edukasyon, lalo na ang mga matagal nang problema sa procurement ng departamento at ang labis na kakulangan ng mga silid-aralan at mga aklat sa buong bansa.
Binanggit ni Amatong na ang mga isyung ito ay patuloy na umiiral sa kabila ng malaking pondo na inilalaan ng pamahalaan, kaya naman mayroong mga pagdududa sa naging pamamahala sa tanggapan ni Vice President Duterte.
Kumpiyansa naman si Amatong na sa ilalim ng pangangasiwa ni Angara bilang bagong kalihim ng tanggapan, ay direktang haharapin nito ang mga minanang problema.
Kinumpirma naman ni Amatong ang lawak ng mga hamon na haharapin ni Sec. Angara dahil sa mga problemang naiwan ni VP Duterte.
Binigyang-diin pa ng mambabatas ang pangangailangan na agad na matugunan ang lumalaking kakulangan ng mga silid-aralan, na umaabot sa 160,000 klasrum.
Tumugon si Angara sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanyang matibay na pangako na gawin ang mga kinakailangang pagbabago sa DepEd upang masolusyunan ang mga problema at mapabuti ang sistema ng edukasyon.
Umaasa si Amatong na sa ilalim ng pamumuno ni Angara ay masosolusyunan ang matagal nang mga isyu sa DepEd.
Hinimok din niya ang Kongreso na pondohan ang hiling ng DepEd na karagdagang P30 bilyon para sa mga silid-aralan, binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagbibigay sa bawat estudyante ng maayos na lugar para sa pag-aaral.