Posibleng pormal nang ideklara ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tapos ng ang giyera sa siyudad ng Marawi ngayong araw, October 22.
Kahapon tinapos na ng militar ang pagsasagawa ng clearing operations sa tatlong buildings kung saan hinihinalaang nagtatago ang mga natitirang Maute stragglers.
Sa naging pahayag ni Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Carlito Galvez, ngayong araw ng Linggo tutuldukan na ng militar ang armed clashes sa siyudad.
Inihayag ng heneral na target ng military at police operations ang isang maliit na lugar na pinagtataguan ng ilang teroristang Maute na may hawak pa ring tatlo hanggang apat na lalaking bihag.
Kumpiyansa si Galvez na maidedeklara na ng militar na “totally free from terrorists” ang Marawi na siyang ika-152nd day ng rebellion.
Ipinagmalaki ng AFP ang pagkakapatay ng mga sundalo sa top Maute-ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) terrorists na sina Isnilon Hapilon, Omar Maute at ang Malaysian bomb expert na si Dr. Ahmad Mahmud.
Pinaghahanap pa naman ang dalawa pang terorista kabilang si Amin Baku na siya umanong tumatayong lider ng teroristang grupo.