-- Advertisements --

Ikinagalak ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagtatapos ng 68 persons deprived of liberty (PDLs) mula sa programa ng Bureau of Corrections (BuCor) at kanilang partner university.

Ang 11 inmates ay nagtapos ng kanilang degree sa Entrepreneurship, habang 57 PDLs ang nagtapos ng high school.

Ang hakbang na ito ay alinsunod umano sa Konstitusyon, na obligasyon ng estado na protektahan at itaguyod ang karapatan ng lahat ng mamamayan para sa de-kalidad na edukasyon sa lahat ng antas at gumawa ng mga naaangkop na hakbang upang gawing accessible ang kanilang pag-aaral.

Ito rin ay alinsunod sa Artikulo 26, Seksyon 1 ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) na nagsasaad na ang bawat isa ay may karapatang makapag-aral.

Noong Setyembre, tinanggap din ng CHR ang paglulunsad ng unang in-person classes para sa mga PDLs sa Manila City Jail.

Layunin ng inisyatibong ito na magbigay ng edukasyon upang ma-rehabilitate at ma-reintegrate ang mga PDLs.

Ang pagtatapos ng mga PDLs sa programa ay sumasagisag sa tagumpay at pinapaalala na ang edukasyon ay karapatan ng lahat, kabilang ang mga nasa kulungan.

Hinihikayat naman ng CHR ang iba pang educational institutions na makipagtulungan sa BuCor at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang magbigay ng mga programang pang-edukasyon sa mga PDLs, bilang hakbang patungo sa tunay na rehabilitasyon at pagrereporma.