Ipinahayag ni dating Bayan Muna party-list Representative Carlos Zarate ang kanyang mga agam-agam hinggil sa planong pagtatayo ng isang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site sa Surigao del Norte, at binigyang-diin na maaari itong magdulot ng panganib sa soberanya ng Pilipinas.
Ginawa ni Zarate ang pahayag na ito bilang tugon sa apela ni Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers, na nagsusulong ng pagtatayo ng EDCA site sa kanyang nasasakupan dahil sa mga pangamba hinggil sa mga problemang kinahaharap sa eastern seaboard ng Pilipinas laban sa mga smuggler at banyagang mananakop.
Binigyang diin pa ni Zarate na ang presensya ng mga banyagang tropa at pasilidad ng militar sa ilalim ng EDCA ay maaaring magpalala ng tensyon sa rehiyon at magtulak sa Pilipinas na makialam sa mga hidwaan na wala namang kinalaman sa pambansang interes nito. Naniniwala rin ang dating mambabatas na ang pagpapalakas sa Philippine Coast Guard (PCG) at pagpapahusay nito sa military surveillance ay mas epektibo pa umano kaysa umasa sa mga foreign military base.
Binigyang pansin din ni Zarate ang mga kamakailang pangyayari tulad ng pagkakatuklas ng isang submarine drone na pinaghihinalaang pag-aari ng China, at ang pagdaan ng U.S. Carrier Strike Group malapit sa mga katubigan ng Pilipinas, na tanda umano na kailangan ng bansa na magkaroon ng sariling independent na defense strategy sa halip na umasa sa mga kaalyado nito.
Ipinahayag pa ng dating kongresista na dapat unahin ng gobyerno ang pagpapabuti ng surveillance infrastructure at pagbuo ng diplomatic engagement sa mga kalapit na bansa.
Samantala pinuna naman ni Zarate na ang pagtatayo ng mga foreign military base ay ‘walang pakibang umano sa mga lokal na komunidad at madalas pang magdulot ng hindi pagkakapantay-pantay sa ekonomiya, pagkakaiba sa komunidad, at pagkasira ng kalikasan. Nanawagan siya para sa isang tunay na independent foreign policy na nagbibigay-diin sa mga interes at soberanya ng Pilipinas higit sa pagprayoridad ng foreign military base.
Sa ngayon, mayroon nang limang itinalagang EDCA sites sa Pilipinas at apat pang mga site ang idinagdag noong Abril 2023.