-- Advertisements --
image 275

Itinuturing ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pagtatayo ng farm-to-market roads (FMR) bilang daan ng gobyerno patungo sa puso ng mga tao, gayundin bilang patotoo sa pangako ng departamento sa paglilingkod sa mga mamamayan sa kanayunan, lalo na sa mga benepisyaryo ng agrarian reform (ARBs).

Bilang simbolo ng pangakong ito, sinabi ni Department of Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na malapit nang maglagay ng permanente at unipormadong marker para sa bawat farm-to-market roads na itatayo sa kanayunan sa ilalim ng proyekto ng Sustainable and Resilient Agrarian Reform Communities ng nasabing departamento.

Idinagdag niya na ang mga permanenteng marker ay unang itatatag sa Farm-to-market roads na kasalukuyang ipinapatupad, ngunit sa lalong madaling panahon, sila ay magiging permanent fixtures sa iba’t ibang pangunahing rural infrastructure projects ng Department of Agrarian Reform, na kinabibilangan din ng mga tulay, postharvest at irrigation facilities.

Samantala, pinayuhan na ni Department of Agrarian Reform Undersecretary for Support Services Milagros Isabel Cristobal ang mga provincial agrarian reform program officers (PARPOs) na bigyan ang Department of Public Works and Highways (DPWH), gayundin ang mga kinauukulang lokal na pamahalaan, ng aprubadong disenyo ng template ng permanent marker.

Aniya, ang permanent marker ay ilalagay sa simula at pagtatapos ng proyekto sa kalsada.

Ito ay magsisilbi rin bilang isang palaging paalala, na ginagawa ng gobyerno ang lahat ng kanilang makakaya upang gawing matatag ang buhay sa iba’t-ibang kanayunan ng ating bansa.