Positibo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi hahantong sa hindi pagkakaunawaan o tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China ang planong pagtatayo ng mga facilities at istruktura sa siyam na mga isla na sakop ng Kalayaan Island Group (KIG) sa may bahagi ng West Philippine Sea o South China Sea.
Ayon kay AFP spokesperson B/Gen. Restituto Padilla na dahil sa pagbubukas ng daan sa isang maayos na pag-uusap sa panig ng China ay magiging maayos din ang magiging plano ng Pilipinas na magtayo ng mga istruktura sa mga isla na bahagi ng teritoryo ng bansa.
Layon ng pangulo na maging maayos ang living conditions ng mga sundalong aarines na nakatalaga sa mga nasabing isla at maging ng mga residente na nakatira doon.
Nilinaw din ni Padilla na bago pa man umpisahan ang planong pagtatayo ng mga facilities at structures sa West Philippine Sea ay mayroong gagawing pag-uusap dito ang pamahalaan ng Beijing ng sa gayon maiwasan ang anumang tensyon.
Ang China kasi ang aktibo ngayon sa paggawa ng mga reclamation activities sa mga pinag-aagawang teritoryo sa disputed islands.
Pinapanalangin din ng AFP na hindi na mahihirapan pa ang militar na mag-deliver ng mga food supplies sa mga sundalo na nagbabantay sa teritoryo ng bansa lalo na sa may Ayungin Shoal kung saan naroon ang BRP Sierra Madre na siyang ginagawa ngayong outpost ng mga sundalo ng Philippine Marines.