Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na pinatigil na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatayo ng istruktura ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang sand bar sa bahagi ng West Philippine Sea matapos magreklamo ang China.
Sa panayam kay Sec. Lorenzana, kaniyang sinabi na magtatayo sana ang militar ng nipa hut sa isang bagong tubong sand bar malapit sa Pagasa Island para magsilbing pahingahaan ng mga mangingisdang Pilipinong naglalayag doon.
Pero nang makita umano ng China ang mga bitbit na gamit ng mga sundalo sa nasabing sand bar, agad nagreklamo ang mga ito at nakarating kay Pangulong Duterte.
Ayon kay Lorenzana, pinaalalahanan ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang pangulo na may kasunduan ang Pilipinas at China na hindi magtatayo ng kahit anong istuktura sa mga bagong isla o sand bar sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
“Actually we brought people there to occupy, to to put structures for our fishermen, and then nakita nila, kasi, because alam mo, the background is like this. there was an agreement between our foreign secretary saka sila, yung ano nila, that there will, status quo lang muna. walang occupation ng new feature. so nung lumabas yung sandbar na yun inokupa natin, they considered it new feature. okay naman yun, tama naman yun eh. they’re correct in saying that it’s a new feature. so, since nag-agree tayo na walang mag-occupy ng new feature, hindi talaga tayo dapat mag-occupy,” pahayag ni Sec. Lorenzana.
Una nang sinabi ng kalihim na kanilang isinusulong na magkaroon ng protocol ang Pilipinas at China lalo na kapag may mga sitwasyon sa West Philippine Sea na dapat tugunan.
Sinabi ng kalihim na mag-uusap ang dalawang bansa para mailatag ang susunding protocol.
” Kung mayroon tayong protocol na puwede silang mag-usap yung mga tao dun, at para maayos na kaagad. katulad nung nangyari dun sa mga sandbar, na pumunta yung ating mga tropa tapos nagrereklamo sila, ay kung sila naman pupunta, meron silang mechanism na dun pa lang, aalis na, para di na aakyat sa taas, kasi matagal eh, kung aakyat pa sa taas, it will be brought to the highest, it will be take days siguro. you know, something could happen, miscalculations, misinterpretation of actions. so dun pa lang, yung protocol na sinasabi ko, is dun mga, sa ground commanders pa lang, magkaayos na sila,” pahayag ni Sec. Lorenzana.
Samantala, walang problema ayon kay Sec Lorenzana kung sa teritoryo ng China gagamitin ang kanilang dredger ship pero kung sa teritoryo ito ng Pilipinas gagawin, siniguro ng kalihim na aaksiyunan nila ito.
“The dredger na yan, kung mag-launch sila sa china ng dredger, wala tayong pakialam, basta sa china. once it approaches our territory, then saka tayo mag-react,” wika ng kalihim.