Temporaryo munang ipinatigil ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia sa Department of Public Works and Highways ang pagtatayo ng Metro Cebu Expressway sa bahagi ng Brgy. Cantao-an, Inayagan City of Naga.
Ito’y matapos madiskubre ang mga gumuhong bahagi ng expressway gayundin ang mga bitak bitak dahil sa malakas na pag-ulan at pagguho ng lupa nitong mga nakaraang araw.
Ipinunto ni Garcia na maaaring nagkamali ang Department of Public Works and Highways sa karagdagang pagsusuri sa kalidad ng lupa sa mga nasabing lugar bago simulan ang proyekto.
Kaugnay nito, naglabas ngayon ng Executive Order ang gobernador epektibo kahapon, Nobyembre 7, na nagkokontrol sa paglabas at pagpasok ng mga sasakyang bumabagtas sa nasabing expressway.
Sa nasabing EO, pinagbabawalang dumaan sa nasabing lugar ang mga four-wheeled at malalaking sasakyan.
Pahintulutan namang dumaan ang mga motorsiklo mula alas 6 ng umaga hanggang sa alas 6 ng gabi lamang ngunit mahigpit na pinagbabawalan tuwing masama ang lagay ng panahon.
Kailangan naman i-relocate ang mga residenteng naninirahan sa lugar, gayunpaman, tiniyak ni Naga City Mayor Val Chiong na tutukoy sila ng lugar para sa mga apektadong indibidwal.