Nakikipag-ugnayan na si Sen. Bong Go kay Department of Health (DoH) Secretary Francisco Duque III sa posibleng pagtatayo ng snake bite center sa Bukidnon.
Ito ay kasunod ng hinaing ng mga residente sa lalawigan na ang mga nabibiktima ng kagat ng ahas ay kinakailangan pang ibiyahe patungong Cagayan de Oro City para magamot.
Ayon sa mga residente, mayroon ding mga insidente na nasasawi na ang mga pasyente habang nasa biyahe.
Sa panayam kay Go sa pinangunahan niyang pamamahagi ng tulong sa mga Lumad residents sa Kibawe, Bukidnon sinabi nitong nakausap na niya si Duque tungkol sa isyu
“Nakausap ko kagabi si Secretary Duque at pag-aralan nila ang posibilidad na maglagay ng snake bite center,” ayon kay Go.
Sinabi ni Go na kritikal ang oras na binibilang kapag nakagat ng ahas kaya mahalagang magkaroon ng malapit na Snake Bite Center.
“May snake bite na medyo poisonous, critical ang oras na binibilang, so ngayon kung kailangan… handa po ako tumulong,” ayon pa kay Go.
Noong 2019, dose-dosenang king cobras ang napatay sa bansa base sa datos ng Philippine Center for Terrestrial and Aquatic Research.
Noong nakaraang buwan, isang sanggol ang nasawi sa San Isidro, Davao del Norte matapos matuklaw ng ahas.
Noong 2020 naman, isang apat na taong gulang na batang babae ang pumanaw matapos atakihin ng king cobra sa Barangay Malagos, Baguio District, Davao City.
Isang magsasaka din sa Davao del Sur ang nasawi sa kagat ng ahas noong 2019.
Sa nasabing aktibidad, hinikayat din ni Go ang mga residente na lumapit sa Malasakit Centers na nasa Northern Mindanao Medical Center at JR Borja General Hospital sa Cagayan de Oro City para sa kanilang pangangailangang medikal.
“May Malasakit Center naman tayo sa Cagayan, dalawa yan. Maglalagay din tayo sa Bukidnon at dagdag sa Davao din po. Sasaluhin po namin kayo kung kailangan kayo ma-admit,” ayon kay Go.