-- Advertisements --

Kasalukuyan nang pinaplano ngayon ng mga kinauukulan ang pagtatayo ng civilian port sa Batanes na inaasahang popondohan ng Estados Unidos.

Ayon kay Batanes Governor Marilou Cayco ang mga planong ito ay mas na-develop pa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan nito sa Philippine military na layuning maka-accommodate ng mga Pilipinong manggagawa sa Taiwan sa panahon ng krisis.

Ito aniya ay maaari rin na magsilbing alternative sa isa pang pantalan na kasalukuyan nang nakatatag sa western side ng isla.

Samantala, kaugnay nito ay iniulat din ng gobernadora na sa huling bahagi ng buwan ng Abril ay inaasahan ang pagdating ng United States Army sa bansa upang talakayin ang mga plano para sa pagtatatag ng bagong pasilidad sa naturang probinsya.

Kung maaalala, una nang ipinag-utos ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa Armed Forces of the Philippines na mas paigtingin pa ang presensya ng kasundaluhan sa Batanes na halos 200 kilometro lamang ang layo sa Taiwan na bansang pilit ding inaangkin ng China.

Isa rin ang Batanes, patikular na ang Mavulis Island sa mga kinokonsidera ngayon ng mga kinauukulan na isa sa mga lokasyong pagdarausan ng taunang Balikatan exercises ng Pilipinas at Estados Unidos sa darating na Abril at Mayo.