-- Advertisements --

Isinusulong sa Kamara na magtayo ng “lighthouse” sa Ayungin Shoal at maglaan ng pondo para sa construction nito.

Inihain nina Cavite 2nd district Rep. Lani Mercado-Revilla, Cavite 1st district Rep. Ramon Jolo Revilla III, at AGIMAT PL Rep. Bryan Revilla ang House Bill 10226.

Batay sa explanatory note ng panukalang batas, nakasaad na inirekumenda noon ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na magkaroon ng “proactive measure” gaya ng pagtatayo ng lighthouse sa Ayungin Shoal.

Ito ay bilang tugon sa pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea.

Ayon sa mga Revilla sa Kamara, pabor sila kay Carpio lalo’t hindi na sapat ang diplomatic protests laban sa China.

Kaya naman nararapat anila na palakasin pa ang presensya sa Ayungin Shoal at magtayo ng lighthouse doon.

Kapag naging ganap na batas ang House Bill ng mga Revilla, ang DPWH ang mangunguna sa konstruksyon ng lighthouse sa Ayungin Shoal; habang ang Philippine Coast Guard o PCG naman ang magiging responsable sa pag-mantini nito.

Kailangan din na makipag-ugnayan ang DWPH at PCG sa National Mapping and Resource Information Authority o NAMRIA; Department of Transportation; at Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa epektibong implementasyon.