KALIBO, Aklan – Sinimulan nang tibagin ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group (BIARMG) ang mga istraktura na lumabag sa 25+5 coastal easement sa Bulabog Beach sa Barangay Balabag sa Boracay.
Hangad ng task force na ma-demolish ang walong pasaway na establishment na inaasahang matatapos ngayong linggo.
Ayon kay BIARMG General Manager Natividad Bernardino, kabilang sa kanilang titibagin ang mga hotel, restaurants, bars at kite surfing schools.
Noong Oktubre 2018 pa aniya nagpalabas ng ultimatum ang Malay-local government unit sa mga violators at ang pinakahuli ay noong Marso 25 ng kasalukuyang taon.
Dagdag pa ni Bernardino na kinakailangang alisin ang mga naturang istraktura para walang sagabal sa ginagawang drainage system ng Department of Public Works and Highways.
Nabatid na noong nakaraang taon ay nilagyan ng markings ang mga istrakturang kailangang wasakin.
Hindi naman umano nanlaban ang mga negosyante sa demolition team, sa pangambang sila ang babalikan dahil sa hindi pagsunod sa utos na self-demolition.