Dapat ipagmalaki ng mga Pilipino si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang matibay na mensahe sa ika-21 International Institute for Strategic Studies (IISS) Shangri-La Dialogue sa Singapore, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Sa kanyang talumpati, binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kanyang pangako na depensahan ang bawat pulagada ng teritoryo ng Pilipinas mula sa pananakop kasabay ng pagsulong sa kahalagahan ng dayalogo at diplomasya sa pagresolba ng mga hindi pagkakasunduan.
Pinapurihan ni Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan, ang talumpati ng Presidente na mahalaga umano lalo at umiinit ang tensyon sa West Philippine Sea dulot ng mga agresibong aksyon ng China.
Sa kanyang talumpati ay binigyang diin ni Pangulong Marcos ang pagtindig ng Pilipinas para sa kapayapaan at rule of law.
Muli rin niyang iginiit ang pagtalima ng Pilipinas sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award, na kumikilala sa maritime rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Tinukoy ni Speaker Romualdez ang paninindigan ng Pangulo na depensahan ang bawat pulagada at milmoetro ng ating teritoryo.
Ilang ulit nang iginiit ni Romualdez ang buong suporta ng Kamara de Representantes sa istratehikong inisyatiba ni Pangulong Marcos Jr. para palakasin ang kakayanang pang depensa ng bansa at tayuan ang soberanya ng Pilipinas upang madama ng bawat Pilipino ang biyaya ng patrimonya.
Kamakailan ay nagdaos ang dalawang komite ng Kamara ng pagdinig sa Masinloc, Zambalez upang pakinggan ang hinaing ng mga mangingisda na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa patuloy na agresibong aksyon ng Chinese Coast Guard at maritime militia sa WPS.
Kasabay nito ay tinuran din ni Speaker Romualdez na sa kabila ng matapang na posisyon ng Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagkakaroon ng dayalogo at diplomasya sa pagresolba sa mga hindi pagkakaunawaan.