-- Advertisements --
VP Leni Robredo
VP Leni Robredo

NAGA CITY – Nakatakdang harapin bukas ni Vice President Leni Robredo ang mga ahensiya sa ilalim ng Inter-Agency Committee Against Illegal Drugs (ICAD) sa pamamagitan ng isang pagtitipon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ng ng Bise Presidente, kinumpirma nito na dumalo agad sa mga meetings at briefings ang bise presidente bilang bahagi ng paghahanda nito sa kanyang trabaho bilang drug czar.

Kaugnay nito, abala umano ngayon si Vice President Leni Robredo matapos tanggapin ang alok ni Presidente Rodrigo Duterte na maging co-chairperson ng Inter-Agency Committee Against Illegal Drugs (ICAD).

Ayon pa kay Gutierrez, gusto umanong alamin ni Robredo kung gaano kalaki ang problema ng bansa pag dating sa droga at kung ano na ang mga solusyon dito at mga dapat pang tutukan.

Samantala, ikinatuwa naman ng kampo ng Bise Presidente ang pag-welcome ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police sa naging desisyon nito na manguna sa kampanya kontra ilegal na droga sa bansa.