-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nagsilikas ang maraming sibilyan sa pinaigting na calibrated law enforcement operation ng Joint Task Force Central laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao.

Ang operasyon ng militar ay nakasentro sa bulubunduking bahagi ng mga bayan ng Datu Hoffer Ampatuan, Datu Unsay, Ampatuan, Talayan at Guindulungan, Maguindanao.

Target ng Joint Task Force Central ang grupo ng BIFF na sangkot sa pagpapasabog at pag-atake sa komunidad ng mga Teduray/Lambangian.

Matatandaan na nagpasabot ng Improvised Explosive Device (IED) ang BIFF sa Brgy Tuayan Datu Hoffer Ampatuan Maguindanao kung saan nasawi ang isang buntis na si Rosita Kininde at sugatan ang dalawa niyang anak.

Sinunog din ng BIFF ang ilang kabahayan ng tribu at ninanakaw pa ang kanilang mga ari-arian.

Nag-imbestiga na rin ang 6th ID Division at PNP sa tatlong Teduray na sinunog umano ng mga rebelde.

Galit ang BIFF sa mga Teduray dahil tumanggi na itong magpa-recruit at umanib sa mga terorista.