Mariing binatikos ni dating US President Barack Obama ang sumunod sa kanya na si Donald Trump kaugnay sa naging pangangasiwa nito sa coronavirus crisis na dinaranas ng Estados Unidos.
Sa isang pribadong tawag sa dati nitong mga staff sa White House, tinawag ni Obama na “absolute chaotic disaster” ang naging pagtugon ng Amerika sa coronavirus pandemic.
Nais din aniya ni Obama na magkaroon ng mas malaking papel sa pagsuporta sa kandidatura ni Joe Biden sa darating na presidential elections sa Nobyembre.
Ang nasabing mga pahayag ng dating American chief executive ay ginawa sa tawag na para sana sa paghimok sa dati nitong mga staff na magtrabaho para sa kampanya ni Biden.
Sinabi pa ni Obama, may kasalanan din ang pamamalakad ni Trump sa gobyerno sa naging paghawak ng US sa coronavirus.
“It would have been bad even with the best of government,” wika ni Obama. “It has been an absolute chaotic disaster when that mindset — of ‘what’s in it for me’ and ‘to heck with everybody else’ — when that mindset is operationalized in our government.”
Maliban dito, umalma din si Obama sa pasya na hindi na ituloy ang paghahain ng criminal charges laban kay dating national security adviser Michael Flynn kaugnay sa Trump-Russia investigation.
Sa pinakahuling datos, mahigit 77,000 na ang binawian ng buhay, habang may 1.2-milyong kumpirmadong kaso ng coronavirus sa Amerika. (BBC/ CNN)