Nais ng mas nakararaming Pilipino na talakayin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address ang pagtugon sa inflation o paglobo ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa.
Batay sa inilabas ng Pulse Asia na resulta ng isinagawang survey na isinagawa mula June 17 hanggang June 24 at inilabas lamang kahapon July 12, nais ng limampu’t-pitong porsyento ng mga Pilipino na marinig kay Pang. Marcos kung paano kokontrolin ang inflation, kasabay ng kanyang ikatlong Ulat sa Bayan.
Ang mga respondents ay pinapili ng tatlong isyu mula sa maraming mga problema sa bansa, na nais nilang marinig sa SONA.
Maliban sa inflation, mataas din ang nakuhang boto ng isyu ukol sa national economy na umabot sa 36%. Nakakuha naman ng 35% ang pagbuo ng mas maraming trabaho at livelihood, habang 31% ay nais marinig ang ukol sa tugon ng Marcos administration sa problema sa West Philippine Sea.
Ang iba pang pinagpiliian ng mga respondents ay ang pagtugon sa kurapsyon, pagtaas ng sahod ng mga mangagawa, pagtugon sa ilegal na druga, pagpapabuti sa education system, peace and order, atbpa.
Samantala, mas mababa sa isang porsyento naman ang nagsabing nais nilang marinig ang tungkol sa pamimigay ng cash assistance at pabahay sa mga mahihirap.
Sa kabuuang tugon ng mga respondents, ang isyu na nais nilang marinig sa ikatlong SONA ay ukol sa inflation na nakakuha ng 72%.
Sumunod dito ang pagtaas sa sahod ng mga mangagawa na nakakuha ng 44%; pagtugon sa kahirapan na nakakuha ng 32%, mas maraming trabaho(30%), at pagtugon sa kurapsyon na nakakuha ng 22%.
Natanong din ang mga repondents kung nagawa ba ni Pang. Marcos ang kanyang mga naunang pangako.
Gayunpaman, mas maraming mga Pilipino ang naniniwalang hindi pa niya nagagawa ang lahat ng naipangako noong tumakbo siya sa pagkapangulo noong 2022.
Nakatakda ang ikatlong Ulat Sa Bayan ni Pang Marcos sa Hulyo 22, 2024.