Pumalo na sa 92.784 kilos o nasa halos P500-milyong halaga ng cocaine ang nasabat ng mga otoridad sa magkakahiwalay na insidente mula sa anim na lugar sa eastern seabord ng bansa.
Ayon kay PNP Spokesperson S/Supt. Bernard Banac, may mga hakbang na silang ginagawa para matukoy kung sino at anong grupo ang nasa likod ng mga narekober na mga bloke-blokeng cocaine.
Sinabi ni Banac, asahan na rin ang paglutang ng mas marami pang cocaine bricks sa mga karagatan at pagkakaanod nito sa mga dalampasigan.
Maalalang sunud-sunod na nakarekober ng mga bloke ng cocaine sa mga baybayin ng Dinagat Island; Surigao del Sur; Mauban, Quezon; at Camarines Norte na nagkakahalaga ng humigit kumulang kalahating bilyong piso.
Aniya, tinututukan nila ang mga bansang posibleng pinagmumulan ng naturang mga kontrabando tulad ng Mexico, Colombia, China at iba pa.
Hindi rin inaalis ng PNP ang posibilidad na may mga middleman na mga Pilipino na kasabwat ng mga sindikato na kanilang katransaksiyon.
Aminado si Banac na ginagamit ang karagatan ng Pilipinas bilang transhipment point ng mga sindikato.
Umapela din si Banac sa Publiko partikular na sa mga nasa dalampasigan na manatiling mapagmatyag at iulat sa kanila ang anumang mga kahina-hinalang bagay o tao sa kanilang lugar.