-- Advertisements --

Naantala ang pagtukoy sa labi ng Pilipinong pulis na si PCol. Pergentino Malabed Jr. na kabilang sa nasawi sa malagim na US mid-air collision ng American passenger jet at US Army Helicopter noong Enero 29.

Ito ay matapos na hindi muna pinayagan ng medical examiner ang naulilang misis ni Col. Malabed na si Rio Malabed na opisyal na tukuyin ang labi ng kaniyang asawa dahil kailangan munang makumpleto ang procedural requirements.

Ayon naman kay Consul General Rodriguez, masusing naka-monitor ang konsulada sa lahat ng documentation requirements para mapabilis ang repatriation ng mga labi ni Col. Malabed para mabigyan ang kaniyang pamilya ng maayos na pamamaalam para sa yumaong pulis.

Nauna naman ng inilagay ang pangalan ni Col. Malabed sa makeshift memorial sa Washington D.C. kung saan inilagay din ang watawat ng Pilipinas sa may krus.

Binisita din ni Rio Malabed ang naturang memorial makeshift ng kaniyang mister kasama ang mga pamilya ng ibang mga biktima sa plane crash.

Matatandaan na nauna ng natukoy na kasama sa 67 nasawi sa US plane crash si Col. Malabed sa pamamagitan ng kaniyang pasaporte na natagpuan mula sa kaniyang katawan.