-- Advertisements --

Sinimulan na ng Inter-Agency Task Force ang proseso sa pagtukoy sa mga lugar na posibleng ilagay na sa tinatawag na “new normal.”

Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na inatasan na ng IATF ang kanilang mga sub-technical working groups na magsagawa ng pulong para bumuo ng iisang rekomendasyon kaugnay sa guidelines na ipatutupad sa pinakamaluwang na quarantine status.

“The meeting will be composed of health expert panels from the Department of Health Technical Advisory Group, the Health Care Professionals’ Alliance Against COVID-19 as well as economic experts to balance health and economy,” saad ni Roque.

Una nang sinabi ni Roque na sumang-ayon ang IATF sa kanyang suhestyon na dapat nang ilagay sa “new normal” category ang mga lugar na wala nang naitatalang transmission ng COVID-19 sa loob ng isang buwan.

Sa kasalukuyan, ang lahat ng mga lugar sa bansa ay nasa ilalim ng magkakaibang lebel ng community quarantine para mapigilan ang pagkalat ng nakahahawang virus.