Aminado si Defense Secretary Delfin Lorenzana na malaking hamon sa security sector lalo na sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang pagtukoy kung sino sino itong mga suicide bombers na posibleng maglunsad ng suicide bombing activities sa bansa, lalo at naglabas ng babala ang Japan kaugnay sa terror threats sa southeast asia kabilang ang Pilipinas.
Ayon kay Lorenzana, pinalakas at pinalawak pa ng intelligence community ang kanilang information gathering at minamanmanan ang mga aktibidad ng mga local terrorist group lalo na sa probinsiya ng Sulu at Basilan ang mga Abu Sayyaf, Jemaah Islamiyah at sa Central Mindanao ang mga teroristang BIFF.
Una ng inamin ng militar na may mga Pinoy terrorist na rin ang nahikayat na maging suicide bomber.
Inaalam na rin sa ngayon ng Intelligence kung may mga suicide bombers pa na mga Pinoy ang nahikayat sa Sulu.
Binigyang-diin ng kalihim na-neutralized na ng militar ang mga suicide bombers sa Sulu at ilan dito ay namatay na rin.
Nilinaw din ni Lorenzana na walang report ang Intel community kaugnay sa presensiya ng mga foreign terrorist na nag-ooperate sa bansa kasama ang mga local terrorist.
Naniniwala ang kalihim na kayang kayang apusin ang problema sa terorismo sa bansa subalit nangangailangan ito ng whole of nation approach.
Ibig sabihin hindi lamang ang AFP at PNP ang gagalaw kundi maging ang mga sibilyan at ang local government units.
Kung walang kooperasyon mula sa komunidad at LGUs mananatiling banta sa peace and order ang problema sa terorismo.
” Hindi natin alam Anne dahil yung mga bombers na, nahuli na yung iba, namatay na rin yung mga nagano, nagsuicide bomb, namatay na rin nahuli na rin yung mga kasamahan nila, pero yung ginagawa ng ating mga tropa, marami tayong tropa sa Jolo sa Basilan at saka sa Cotabato, Tawi- Tawi meron din tayong mga Marines dun, wala silang ginawa kundi manmanan itong mga taong ito at tingnan kung meron ba silang gagawing hindi maganda, yun lang ang problema ng suicide bomber na mag-isa ay pag minsan hindi mo alam na suicide bomber pala yan, ito yung problema ng intelligence community kung pano nila madetermine yan. So isa to mga challenges na hinaharap ng security sector, AFP at saka PNP kung pano natin mamonitor although meron tayong mga moderate threat kasi hindi naman bumaba,” pahayag ni Sec Lorenzana.