-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Blangko pa ang mga otoridad sa motibo sa pananambang sa siyam na katao dakong alas-12:10 ng Sabado ng tanghali sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina Zailon Sandigan; Kors Salilangan; Benladin Dimanalao; Romeo Balatamay; Katindig Kagayawon; at Fahad Mandigan, pawang mga residente sa bayan ng Kabacan.

Binawian rin ng buhay si Musaid Jaiden, residente ng Brgy. Poblacion, Midsayap, Cotabato at Budsal Lipusan na nakatira sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, habang sugatan si Tong Guiman na nakatira sa Kabacan.

Ayon kay Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr., lulan ang mga biktima ng mga motorsiklo sa provincial road malapit sa USM Granary and Machinery sa Barangay Poblacion sa Kabacan nang bigla silang hinarang ng limang hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan.

Hiningian ng ID ng mga suspek ang mga biktima at pagkatapos ay pinagbabaril gamit ang mga matataas na uri ng armas.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa liblib na lugar.

Dead on the spot ang walo sa mga biktima habang naisugod naman sa pagamutan ang isang sugatan.

Mariin namang kinondena ni Mayor Guzman ang pamamaril sa mga biktima at inatasan nito ang Kabacan PNP sa pamumuno ni PMaj. Peter Pinalgan na magsagawa ng malalimang imbestigasyon.