Walang nakikitang iregularidad ang Malacañang sa pagtulong ng Office of the Solicitor General (OSG) sa paggawa ng affidavit ni Joemel Advincula alyas Bikoy laban kay Vice President Leni Robredo at ilang taga-oposisyon.
Sa ambush interview sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na bilang abogado ng estado ay tungkulin ng OSG na magbigay ng legal assistance sa mga kasong binubuo ng gobyerno.
Ayon kay Sec. Panelo, kung humingi ng tulong ang Philippine National Police (PNP) sa OSG para mabuo ang salaysay ni Bikoy laban sa kay Robredo at mga kasama, naaayon ito sa mandato ng OSG.
Kung maaalala,si Vice President Robredo kasama sina Senadora Leila de Lima, Rissa Hontiveros at dating Sen. Antonio Trillanes IV, ay sinampahan ng kasong sedition batay sa salaysay ni Bikoy kaugnay ng kontrobersyal na video na pinamagatang “Ang Tunay na Narcolist” na nagdadawit kay Pangulong Duterte at sa kanyang pamilya sa illegal drugs trade para ibagsak ang gobyerno.
Samantala, kinonsulta lamang ng PNP-CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) ang legal department ng Office of the Solicitor General kaugnay sa affidavit ni Advincula na siyang ginamit bilang basehan sa pagsampa ng kaso laban kay Robredo at kasamahan nito.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, hindi nakialam ang OSG sa paggawa ng affidavit at normal lamang para sa kanila na kumonsulta sa OSG na humingi ng legal advice at legal opinion dahil sila ang tumatayong abogado nila.
“It’s but normal for us to seek legal advice and comments especially so from OSG. Kung ‘yun nga sa mga private lawyers e nanghihingi kami what more dito sa OSG being the counsel of all government agencies and instrumentalities of the country dito sa ating gobyerno. It’s but normal and nothing irregular there. ‘Yung extent is I really can’t say because sila nga ang nag-usap, yung legal ng CIDG at legal ng OSG,” ani Albayalde.