-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Dinagsa ng mga magulang at ng mga batang may kapansanan ang Mobile Clinic Screening for Children with Disabilities na isinagawa sa The Basket, Capitol Compound, Amas, Kidapawan City.

Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng kagalakan at pasasalamat si Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza sa partnership ng pamahalaang panlalawigan at TEBOW Cure Hospital na pinamumunuan ni Execitive Director Peter L. Cowles dahil marami ang matutulungan ng nasabing programa.

Inilahad din nito na prayoridad ng kanyang pamunuan ang kapakanan ng mga senior citizens at persons with disabilities, kung kaya pinagsisikapan nitong makapag-implementa ng mga programa tungo sa ikabubuti ng sektor na ito.

Ipinaabot din ni TEBOW Director for Patient Support Services Rosemarie C. Baco ang lubos na pasasalamat sa local government units (LGUs) at sa liderato ni Gov. Mendoza sa mainit na pagtanggap nito sa kanila at sa oportunidad na ibahagi ang kanilang charitable mission sa lalawigan ng Cotabato.

Ipinaliwanag din nito ang kanilang gawain na tumulong sa mga batang may treatable disabilities sa prinsipyong ispirituwal na pagalingin ang mga may sakit.

Dagdag rin ni Baco na layunin ng screening na makonsulta ang pasyenteng maaring mag-undergo ng surgery. Ang mga ito ay sasailalim sa one-day consultation sa TEBOW Hospital sa Davao City para sa mas masusing laboratory at x-ray examinations bago pa man ang operasyon.

Ang mga pasyenteng hindi nangangailangan ng operasyon ay bibigyan ng conservative treatment mula sa TEBOW physical therapists.

Ang sponsored services ng TEBOW CURE Hospital ay magsisimula sa admission ng pasyente sa nasabing hospital, kasama na ang procedures at mga gamot na kinakailangan.

Nagpahayag din ng suporta si Board Member Ivy Martia Lei C. Dalumpines, Sangguniang Panlalawigan Chairman on Gender and Social Services Committee sa nasabing aktibidad na pinangasiwaan ng Provincial Social Welfare and Development Office.